Kim Chiu keeps mum on rumored breakup with Xian Lim

Kim Chiu on status of relationship with Xian Lim: “Sa amin na lang muna yon. We’ll just keep it to ourselves na muna.”


PHOTO/S: Kim Chiu/Xian Lim Instagram

Nananatiling tikom ang bibig ng Kapamilya TV host-actress na si Kim Chiu hinggil sa kumakalat na balitang hiwalay na sila ng nobyong si Xian Lim.

Sa panayam niya sa ABS-CBN News nitong Lunes, November 27, 2023, iwas na sinagot ni Kim ang tanong patungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Xian.

Tanong sa kanya ni ABS-CBN reporter Gretchen Fullido, “Kim maraming nagtatanong, ano na ba ang latest sa yong love life. Kayo pa ba [ni Xian?]”

Tumawa muna si Kim bago tipid na sumagot ng, “Grabe, sa amin na lang muna yon. We’ll just keep it to ourselves na muna.”

Ang naging sagot ni Kim kay Gretchen ay malayo sa naging pahayag niya noong October 31, sa thanksgiving mediacon ng Linlang, ang Prime Video series na pinagbidahan niya kasama sina Paulo Avelino at JM de Guzman.

Doon ay sinabi ni Kim na maayos sila ni Xian at walang dapat ipag-alala ang kanilang fans dahil nananatiling strong ang relasyon nila ng Kapuso actor-director.

“Okay naman kami ni Xi [palayaw ni Xian],” maikling sagot ni Kim sa entertainment press.

Sundot na tanong ng isang reporter, “Very strong?”

“Oo,” pagsang-ayon ni Kim.

Dagdag pa niya, “Mapanlinlang ang showbiz, pero maayos naman po [kami]. Masaya naman po.”